Naisipan kong magsulat ng isang sanaysay sa ating sariling wika. Ilang taon na rin mula nang huli akong magsulat sa Tagalog. Sa totoo lang, nasa ikatlong pangungusap pa lang ako ay medyo napapahinto na ako upang isipin ang mag salita, “Ano na nga ba ito sa Tagalog?” Ngayon ko lang nakita na mas madali pala para sa akin na magsalita kaysa magsulat sa Tagalog. Malamang ay dahil kulang ako sa ensayo. Ngunit pipilitin ko pa ring magsulat, at kung talagang walang pag-asa, siguro naman pwede akong medyo mag-Taglish.
Isa sa mga bagay na nakakapagpasaya sa aming mag-asawa ay kung nakakapag-imbita kami ng aming mga kaibigan sa aming hapag-kainan. At dahil hindi karamihan ang mga kainan dito sa London upang madala namin ang mga kaibigan naming banyaga, sa bahay na kami naghahanda upang matikman naman nila ang mga ulam natin sa Pilipinas.
Kapag kami ay maluwag sa oras o di kaya ay may espesyal na okasyon, talagang ume-effort kami. Iniisip namin kung paano namin maihahanda ang ulam na parang naihanda sa isang espesyal na kainan.
Kahapon ay inimbitahan namin ang dalawa naming kaibigan mula sa simbahan. Medyo maraming ginagawa sa trabaho ngunit dahil ang aming kaibigan na Ingles ay dadayo sa ibang bansa, naisipan naming maghanda bilang pagdiriwang sa biyaya. Tatlong taon rin siyang hindi uuwi rito sa Inglatera dahil sya ay isang opisyal ng embahada. Kasama niya ang isa pa naming kaibigan na mula naman sa Korea.
Ito ang aming mga handa. Ang una ay insalata (talong na ginisa sa mantikilya ng olibo, kamatis, mangga, tocinong manok, litsugas at ginisang bagoong sa gilid). Ang pangunahing ulam ay pansit palabok (pansit, lemon, hipon, dinikdik na chicharon, dahon ng sibuyas, coriander, itlog at pinalutong na tinapa). Para sa panghimagas, gumawa kami ng ginataang halo-halo na may saging, kamote at langka. Nilagyan rin namin ito ng sorbetes sa ibabaw. Nalusaw agad ang sorbetes pero masarap pala ito kapag hinalo sa ginataan. Sa gitna ng bawat handa at nagbigay kami ng atsara (gawa na mula sa bote) para panglinis ng ngala-ngala – sa Ingles, ‘to cleanse the palate‘.
Nagustuhan ng aming mga bisita ang lahat ng aming mga handa. Bukod sa mabilis nila itong nakain, malinis ang mga plato nila kaya andaling maghugas! Ito ang ilan sa mga larawan:
Buwan ng wika ang Agosto, kaya sana pasado ang aking sanaysay. Tulad ng ano mang bagay, mabuti na ang mag-ensayo paminsan-minsan upang di makalimutan. Hanggang sa muli…
sarap ng handa mo ate! pinoy na pinoy! naalala mo ba yung pinoy kainan na pinuntahan natin nila em na may umaway pa sa atin?! haha wala lang, naalala ko lang! mabuti pa nga sa tahanan na lang maghanda para iwas din sa mga may saltik sa ulo na mga kabayan diyan sa inglatera!
naway matikman ko din yang handa niyo pag nakabalik kami diyan! hihihi!
LikeLiked by 1 person
Naku Yen, natatawa ako sa ala-alang yan. Ako na nagpipigil sa inyo ni Em na makipag-away ay sya pa ang pinagsabihan ng Kuya mong may tama. Wag daw biruin ang lasing kasi mayaman daw sya…connect! Haha. Sana nga makabalik kayo rito Yen para magluto na lang ako. 🙂 🙂 Iwas baltik.
LikeLike
Labis akong nagutom sa iyong sanaysay! Nawa’y matikman ko din ang mga espesyal niyong lutuin. Mukang masarap nga ang ginataan na may sorbetes. Magandang ideya yan, kapatid! Mabuhay kayo! 😀
LikeLiked by 1 person
Salamat kapatid Mei. Mabuhay! 🙂 🙂
LikeLike
Sana balang araw mabisita ka rin namin. Hihi. Sisimulan na namin ang pagiipon. 🙂
LikeLiked by 1 person
Sana nga Mommy Tin — pero sana sabay-sabay ang lahat, reunion natin. 😉
LikeLike